Narematang property na binili sa Pag-IBIG, pinagsisira umano bago iwan ng ex-owner

Labis ang pagkadismaya ng isang mag-asawa nang matuklasan nilang sira-sira at wasak na ang bahay na kanilang napanalunan mula sa bidding ng Pag-IBIG, matapos umano itong i-ransack ng dating mga nakatira. Napagastos din sila ng aabot sa P500,000 upang mapaayos ang bahay.

“Ang reason daw po n’ung dating owner is dahil hindi raw po namin sila napagbigyan na mag-stay hanggang January 30, gusto nilang mag-Pasko and New Year dito sa bahay,” ayon sa isa sa mga biktima.

“Eh meron nang papalit sa amin din doon sa nirerentahan namin. Kaya naipit na rin po kami,” dagdag pa niya.

Ayon sa mag-asawa, nabili nila ang bahay sa halagang P2.9 milyon matapos itong ma-foreclose dahil 10 taon itong hindi nabayaran ng dating may-ari.

Ayon sa Pag-IBIG, maituturing na vandalism at theft ang ginawa ng dating nakatira sa bahay.

“Wala ho talagang karapatan ‘yung prior occupant na kunin o sirain ang alinmang bagay doon sa nasabing property sapagkat iyun po ay pag-aari na ng nakabili,” ayon kay Domingo Jacinto Jr., Pag-IBIG Fund Vice President for Public and Member Relations.

“Nakasaad po dito sa Notice to Vacate na bawal niya hong galawin o bawal niya po i-vandalize o nakawan ‘yung nasabing property,” dagdag pa niya.

Bukas ang GMA Integrated News sa panig ng dating nakatira sa bahay na hindi na raw ma-trace at makontak ng bagong may-ari at barangay.

Bisitahin ang link sa comments section para sa buong detalye.